Inatasan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang may-ari at contractor ng gumuhong siyam na palapag na gusali sa Angeles City, Pampanga na magbayad ng kabuuang P11.7 milyon bilang labor-related liabilities at administrative fines.

Batay sa isinagawang imbestigasyon, napatunayang may pananagutan sina Jackson Lim at Golden Years Construction and Steelworks Corp. sa mga paglabag sa labor at occupational safety standards. Kabilang dito ang humigit-kumulang P1.1 milyon para sa labor standards violations at P10.3 milyon bilang administrative fines dahil sa paglabag sa Occupational Safety and Health (OSH) standards.

Lumabas din sa imbestigasyon na pinayagan pa ring magtrabaho ang mga manggagawa sa kabila ng umiiral na work stoppage order na inilabas ng DOLE, dahilan upang mailagay sila sa mapanganib na kondisyon na maaaring magresulta sa matinding pinsala o kamatayan.

Natuklasan din ng kagawaran ang iba pang labor violations kabilang ang hindi pagbabayad ng tamang sahod at statutory benefits, underpayment, at maling pasahod tuwing rest days, Sabado, at mga holiday.

Advertisement

Bukod dito, lumitaw na nagsumite umano ang kumpanya ng mga pekeng at hindi balidong sertipikasyon para sa kanilang itinalagang first aider at safety officer.

Ayon kay Acting Labor Secretary Francis Tolentino, magpapatuloy ang administrative proceedings laban sa ilang opisyal ng kumpanya at maging sa ilang labor inspectors ng DOLE Regional Office III na posibleng may pananagutan sa insidente.

Nauna nang tiniyak ni Tolentino na makatatanggap ng tulong-pinansyal ang mga pamilya ng mga nasawi sa pamamagitan ng Employees’ Compensation Commission (ECC).

Matatandaang gumuho ang siyam na palapag na gusali noong Mayo 24 sa Angeles City, Pampanga, na ikinasawi ng mahigit 20 construction workers at ikinasugat ng iba pa. Ang insidente ay isa sa pinakamalalang aksidente sa konstruksyon na naitala sa bansa ngayong taon.

Advertisement