Personal na dumalaw sina actor Gerald Anderson at actress Claudine Barretto sa burol ng student-athlete na si Rene Baterbonia upang iparating ang kanilang pakikiramay at suporta sa naulilang pamilya nito.

Sa isang Facebook post, nagpasalamat ang dating coach ni Baterbonia na si Jess Linus Evangelio, o mas kilala bilang Coach Jess, kay Anderson sa paglalaan ng oras upang personal na makiramay sa pamilya ng binata.

Ayon kay Coach Jess, nagbigay ng kaunting ginhawa at napangiti ni Gerald ang ina ni Rene na si Rovelyn sa gitna ng matinding pagdadalamhati.

Nauna nang nagpahayag ng kalungkutan si Anderson sa pagpanaw ng batang atleta. Ibinahagi rin ng aktor na nakalaro niya si Baterbonia sa basketball mahigit dalawang buwan bago ang trahedya.

Advertisement

Sinabi ni Anderson na malaking kawalan ang pagkamatay ng isang kabataang may maliwanag na kinabukasan sa mundo ng basketball.

Samantala, kumalat din sa social media ang mga video ng pagdating ni Claudine Barretto sa burol. Nakita ang aktres na nakiramay at nagbigay ng suporta sa ina ni Baterbonia bago ihatid ang labi ng atleta pabalik sa kanilang bayan sa Agusan del Sur.

Sa maikling panayam, sinabi ni Barretto na nais lamang niyang makiramay sa pamilya ng nasawi. Dagdag pa niya, isa sa kanyang mga tagasuporta ang ina ni Baterbonia.

“Nakikiramay lang,” maikling pahayag ng aktres.

Si Baterbonia, 19 taong gulang, ay isa sa dalawang manlalaro ng men’s basketball team ng Ateneo de Manila University na nasawi sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8, 2026. Kasama rin sa mga nasawi si Divine Adili, 21 taong gulang na isang Nigerian national.

Matapos ang insidente, ilang kilalang personalidad kabilang sina Gary Valenciano, Gretchen Ho, at Regine Velasquez ang nagpahayag ng kanilang pakikiramay at nanawagan ng mas malinaw na paliwanag hinggil sa sinapit ng dalawang atleta.

Advertisement