Nakikipag-ugnayan na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga lokal na pamahalaan sa Mindanao kaugnay ng mga posibleng panganib na dulot ng coastal uplift sa mga komunidad na matatagpuan sa mga apektadong baybayin.
Ito ay kasunod ng babala ng ahensiya sa publiko na iwasan ang pagtatayo ng anumang istruktura sa mga bagong lumitaw na coastal uplift areas o mga bahagi ng baybayin na umangat matapos ang magnitude 7.8 na lindol.
Ayon kay DENR-Mines and Geosciences Bureau (MGB) Assistant Secretary Karlo Queaño, nananatiling komplikado ang sitwasyon sa bansa dahil sa aktibong tectonic movement at sa patuloy na epekto ng pagtaas ng sea level.
Ipinaliwanag ni Queaño na tatlong beses na mas mabilis ang pagtaas ng sea level sa eastern seaboard ng Pilipinas kumpara sa global average. Dahil dito, posible umanong muling malubog o tuluyang lamunin ng dagat ang mga baybaying naiwan matapos ang coastal uplift.
Nagbabala rin ang DENR na maaaring magdulot ng panibagong banta ng pagbaha ang mga pagbabago sa topograpiya ng lupa dahil maaari nitong maapektuhan ang normal na daloy ng mga ilog.
Ayon sa opisyal, kung ang isang ilog na dating direktang dumadaloy patungo sa dagat ay mahaharangan ng umangat na bahagi ng baybayin, maaaring magbago ang direksiyon ng agos nito at maghanap ng bagong daluyan. Kapag ang tubig ay napunta sa mga residential area, maaari itong magdulot ng pagbaha at panganib sa mga residente.
Sa kasalukuyan, mahigpit na mino-monitor ng DENR at ng Office of Civil Defense ang mga apektadong lugar habang nagsasagawa ng masusing hazard assessment upang matukoy ang mga posibleng panganib at matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad.
Patuloy namang hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na sundin ang mga abiso ng pamahalaan at iwasan ang paninirahan o pagtatayo ng mga istruktura sa mga lugar na itinuturing na delikado habang nagpapatuloy ang pagsusuri sa epekto ng coastal uplift.














