Mas lumakas pa ang Typhoon “Francisco” nitong Lunes habang nananatili sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa PAGASA.

Batay sa alas-4 ng madaling araw na weather bulletin ng state weather bureau, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 715 kilometro silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.

Taglay ng bagyo ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 140 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 170 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.

Ayon sa PAGASA, maaaring magtaas ng Signal No. 1 sa ilang bahagi ng hilaga at silangang Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands at Batanes, sa mga susunod na oras kung magpapatuloy ang kasalukuyang galaw nito.

Advertisement

Gayunman, nananatiling mababa ang posibilidad na direktang tumama o magdulot ng malaking epekto sa kalupaan ng bansa ang bagyo.

Samantala, patuloy na magdadala ang habagat o southwest monsoon ng malalakas na pag-ulan sa Visayas, Mindanao, at Palawan.

Inaasahan ding lalo pang lalakas ang Typhoon “Francisco” at maaaring maabot ang pinakamataas nitong lakas sa mga susunod na araw.

Advertisement