Naghain ang Akbayan Party-list ng panukalang “Lived Identities and Recognition Act” o House Bill 9929, na tinawag ding “Sharmaine Bill,” bilang bahagi ng paggunita sa Pride Month.
Ayon kay Akbayan Rep. Perci Cendaña, layunin ng panukala na kilalanin ang identidad ng mga transgender, intersex, at non-binary Filipinos sa pamamagitan ng mas simple at mas madaling proseso upang maitugma ang kanilang legal na pangalan at gender marker sa kanilang kinikilalang identidad.
Sinabi ni Cendaña na maraming trans at intersex Filipinos ang nakararanas ng diskriminasyon dahil sa hindi pagkakatugma ng kanilang pangalan at iba pang detalye sa mga legal na dokumento.
Sa ilalim ng panukala, maaaring baguhin ang pangalan at iba pang impormasyon sa mga opisyal na dokumento nang hindi na kinakailangang dumaan sa mahaba at magastos na proseso sa korte.
Saklaw din ng panukala ang mga survivor ng gender-based violence at child abuse na nais magpalit ng pangalan para sa kanilang seguridad, proteksyon, at kapakanan.
Ayon sa Akbayan, layunin ng panukala na makapagbigay ng mas inklusibong proseso sa pagkilala sa identidad at karapatan ng mga Pilipino.














