Inihayag ni Impeachment Trial Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa na isa sa mga pangunahing legal na isyung pagdedebatihan sa impeachment trial ay kung maaari bang tanggapin bilang ebidensya ang mga kilos, desisyon, at aksyong ginawa ng respondent bago pa ito maupo bilang bise presidente.
Ayon kay Tolosa, unang hindi sinang-ayunan ng prosekusyon ang argumento ng depensa na hindi dapat isama o tanggapin ng impeachment court ang mga naturang ebidensya dahil naganap ang mga ito bago ang panunungkulan ng respondent bilang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Ipinaliwanag ni Tolosa na mahalaga ang mga naunang pangyayari dahil maaari umanong magbigay ang mga ito ng mas malawak na konteksto sa mga alegasyon na tinatalakay sa paglilitis. Aniya, maaaring makatulong ang mga rekord at kilos bago ang pagiging bise presidente upang makita kung mayroong pattern, pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari, o ugnayan sa mga isyung inihaharap sa impeachment complaint.
Dagdag pa niya, maaaring magsilbing batayan ang mga naturang ebidensya sa pagsusuri ng mga alegasyon, kabilang ang umano’y hindi maipaliwanag na pag-iipon ng yaman at iba pang usaping nakapaloob sa kaso.
Gayunman, inaasahang magiging mahalagang bahagi ng paglilitis ang pagtukoy kung alin sa mga ebidensyang inihaharap ng prosekusyon ang pasok sa mga alituntunin ng impeachment court at kung may kaugnayan ang mga ito sa mga kasong isinampa laban sa respondent.














