Photo © web

Inanunsyo ni Labor Secretary Francis Tolentino nitong Martes, Hunyo 30, ang pag-apruba sa P85 na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila.

Ayon kay Tolentino, ipatutupad ang wage increase sa dalawang yugto upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga negosyo na makapag-adjust sa bagong wage order.

Aniya, ang unang bugso ng umento na P60 kada araw ay magkakabisa sa Hulyo 19, habang ang natitirang P25 kada araw ay ipatutupad naman sa Enero 2027.

Sinabi ng kalihim na layunin ng wage hike na makatulong sa mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang gastusin ng mga pamilya.

Advertisement

Inaasahan ding makikinabang sa naturang umento ang libu-libong minimum wage earners sa National Capital Region o NCR, lalo na ang mga nasa pribadong sektor.

Samantala, inaasahang maglalabas ang Department of Labor and Employment o DOLE at ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng karagdagang guidelines kaugnay ng implementasyon ng wage increase.

Pinayuhan naman ang mga employer at manggagawa na makipag-ugnayan sa DOLE para sa mga paglilinaw hinggil sa pagpapatupad ng bagong wage order at iba pang kaugnay na alituntunin.

Advertisement