Ipinauubaya na ng Department of Justice o DOJ sa Office of the Ombudsman ang magiging desisyon kung magsasampa ng kaso laban kay Senator Joel Villanueva kaugnay ng umano’y pagkakasangkot nito sa anomalya sa mga flood control projects.
Ayon kay DOJ Secretary Frederick Vida, nasa Ombudsman na ang diskresyon kung itutuloy ang pagsasampa ng kaso laban sa senador matapos nitong magsagawa ng panibagong preliminary investigation.
Ang pahayag ni Vida ay kasunod ng sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na muling isinailalim sa imbestigasyon ang kaso ni Villanueva dahil sa pangangailangang palalimin pa ang case buildup.
Ayon kay Remulla, nakitaan umano nila ng kakulangan ang isinagawang case buildup ng DOJ kaya nagpasya ang kanilang tanggapan na magsagawa muli ng pagsusuri at imbestigasyon bago magpasya kung anong kaso ang maaaring iharap sa Sandiganbayan.
Samantala, iginiit ni Vida na patuloy pa rin ang koordinasyon at pakikipagtulungan ng DOJ sa Office of the Ombudsman sa kabila ng hindi pagtanggap sa naunang rekomendasyon ng kagawaran.
Binigyang-diin ng kalihim na iginagalang ng DOJ ang kapangyarihan at mandato ng Ombudsman bilang isang independent constitutional body na may tungkuling magsagawa ng imbestigasyon at magpasya sa mga kasong maaaring iharap laban sa mga opisyal ng pamahalaan.
Patuloy namang hinihintay ang magiging resulta ng panibagong preliminary investigation ng Ombudsman kaugnay sa usapin.














