Photo ©web

Bumaba ng 6.4 % ang deficit ng Pilipinas sa kalakalan ng mga produktong pang-agrikultura noong Mayo kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Mula sa $1.06 bilyon noong Mayo ng nakaraang taon, lumiit ito sa $988.65 milyon ngayong taon. Umabot naman sa $2.67 bilyon ang kabuuang kalakalan ng produktong agrikultural, na mas mataas ng 4.8% dahil sa pagtaas ng halaga ng mga iniluwas na produkto.

Lumago ng 12.8% ang halaga ng iniluwas na produktong pang-agrikultura, mula $745.08 milyon tungo sa $840.18 milyon noong Mayo. Katumbas ito ng 10.7% ng kabuuang eksport ng bansa. Nanguna sa mga iniluwas ang mga nakakain na prutas at mani, kabilang ang balat ng citrus fruits at melon, na umabot sa $299.68 milyon o 35.7 % ng kabuuang agricultural exports. Ang sampung pangunahing produktong iniluwas ay bumuo ng 97% ng kabuuang kita mula sa eksport.

Sa kalakalan sa ibang bansa, umabot sa $76.45 milyon ang halaga ng iniluwas ng Pilipinas sa mga bansang kasapi ng ASEAN, kung saan ang Malaysia ang nangunang mamimili na may $27.9 milyon. Malaki rin ang naging merkado ng European Union (EU) na may kabuuang eksport na $165.65 milyon. Sa loob ng EU, ang Netherlands ang pangunahing destinasyon ng mga produktong agrikultural ng Pilipinas na nagkakahalaga ng $66.25 milyon.

Samantala, tumaas ng 1.5 porsiyento ang halaga ng mga inangkat na produktong pang-agrikultura at umabot sa $1.83 bilyon, na katumbas ng 13.7 porsiyento ng kabuuang importasyon ng bansa. Pinakamalaki ang bahagi ng mga cereal, na nagkakahalaga ng $454.21 milyon o 24.8% ng kabuuang agricultural imports. Nanatili namang Vietnam bilang pangunahing pinagmumulan ng mga produktong agrikultural ng Pilipinas sa ASEAN na may halagang $256.6 milyon.

Advertisement

Ayon pa sa PSA, umabot sa $717.06 milyon ang kabuuang agricultural imports mula sa ASEAN o 20.7 porsiyento ng kabuuang importasyon. Mula naman sa European Union, Spain ang nangunang supplier ng produktong agrikultural na may halagang $29.98 milyon, na bumubuo sa 19.4% ng kabuuang import mula sa EU. Sa kabuuan, umabot sa $154.66 milyon ang halaga ng agricultural imports ng Pilipinas mula sa mga bansang kasapi ng EU noong Mayo.

Advertisement