Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Pebrero 2026, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Iniulat ni PSA USec. Claire Dennis Mapa na bumaba ang unemployment rate sa 5.1% mula sa 6.8% noong Enero, na nangangahulugang nasa 2.66 milyon ang walang trabaho kumpara sa 2.96 milyon noong nakaraang buwan.
Sa isang pulong balitaan nitong Miyerkules, Abril 8, ipinaliwanag ni Mapa na maaaring nagkaroon ng pagbaba sa mga seasonal jobs matapos ang holiday season noong Enero. Kung ikukumpara sa parehong panahon noong 2025, tumaas ang average unemployed individuals sa 2.8 milyon mula sa 2.05 milyon. Aniya, makikita sa mga susunod na buwan kung paano makakaapekto ang kaguluhan sa Middle East sa employment trends sa bansa.
Samantala, bumaba rin ang underemployment rate sa 11.8% mula sa 13.2% noong Enero, na nangangahulugang nasa 5.84 milyon ang may trabaho pero naghahanap ng ekstrang hanapbuhay. Ang employment rate naman ay bahagyang tumaas sa 94.9% mula sa 94.2%, na katumbas ng 49.43 milyon manggagawa na may trabaho o negosyo noong Pebrero.
Ayon kay Mapa, may ilang industriya na patuloy ang job absorption, kabilang ang administrative and support services gaya ng call center (voice), temporary employment agencies, accommodation and food services, at financial and insurance activities, na nag-aambag sa mataas na employment sa bansa.
Nilinaw ng PSA na nalikom ang datos bago pa sumiklab ang digmaan sa Gitnang Silangan, kaya hindi pa saklaw dito ang mga naapektuhan ng krisis sa rehiyon.














