Naghahanda na ang Taiwan, China, at Japan sa pagdating ng Bagyong Inday, na may international name na Bavi, na inaasahang magdadala ng malalakas na pag-ulan at mapaminsalang hangin sa ilang bahagi ng rehiyon.
Ayon sa weather authorities ng Taiwan, posibleng umabot sa isang metro ang dami ng ulan sa ilang lugar. Nakaalerto na rin ang mahigit 29,000 sundalo upang tumulong sa mga posibleng rescue at relief operations kung kinakailangan.
Batay sa mga pagtataya, maaari itong maging pinakamalaking bagyong tatama sa Taiwan, batay sa lawak nito, mula pa noong 1987.
Sa China, nagbabala rin ang mga awtoridad na maaaring magdulot ng malaking pinsala ang Typhoon Bavi kapag tumama ito sa lalawigan ng Fujian.
Naghahanda na rin ang mga residente sa timog ng Japan, kabilang ang Sakishima Islands, dahil sa inaasahang epekto ng bagyo sa kanilang lugar.
Dahil sa masamang panahon, kinansela ng ilang airline ang daan-daang biyahe. Kabilang sa mga naapektuhan ang mga flight ng Japan Airlines, All Nippon Airways, Thai Airways, at Malaysia Airlines, na nakaabala sa biyahe ng libu-libong pasahero.
Patuloy namang hinihikayat ang mga residente sa mga maaapektuhang lugar na makinig at sumunod sa mga abiso ng kanilang lokal na awtoridad at maging handa sa posibleng paglikas kung kinakailangan.














