Naglunsad ang administrasyon ni U.S. President Donald Trump ng kampanya upang pahinain at ihiwalay ang International Criminal Court (ICC), dahil sa paniniwalang nilalabag nito ang soberanya ng Estados Unidos.

Ayon kay U.S. Secretary of State Marco Rubio, mariing tinututulan ng Estados Unidos ang anumang kapangyarihan ng ICC na mag-imbestiga o magsampa ng kaso laban sa mga mamamayan at opisyal ng Amerika.

Sinabi ni Rubio na bagama’t itinatag ang ICC upang tugisin ang mga responsable sa malulubhang paglabag sa karapatang pantao at internasyonal na batas, lumihis na umano ito sa orihinal na mandato nito. Binigyang-diin niyang hindi papayagan ng administrasyong Trump na maging banta ang korte sa mga opisyal ng Estados Unidos.

Matagal na ring iginigiit nina Pangulong Donald Trump at dating Pangulong George W. Bush na walang hurisdiksyon ang ICC sa mga mamamayang Amerikano, lalo na sa mga miyembro ng militar.

Advertisement

Samantala, ayon sa isang opisyal ng U.S. State Department na tumangging magpabanggit ng pangalan, kabilang sa mga ikinokonsiderang hakbang laban sa ICC ang pagpapatupad ng travel bans, pagbawi ng mga visa, pagpapalawak ng sanctions laban sa korte at mga kaakibat nitong organisasyon, gayundin ang paghimok sa ibang mga bansa na kumalas sa international tribunal.

Sa panig naman ng ICC, sinabi ng tagapagsalita nitong si Oriane Maillet na wala muna silang komento kaugnay ng usapin.

Advertisement