Naghahanda na ang Naga City Police Office (NCPO) para sa nalalapit na plebisito sa Nobyembre 21, 2026, kaugnay ng panukalang pagiging Highly Urbanized City (HUC) ng Naga City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Police Lieutenant Colonel Henry V. Taduran, Deputy City Director for Operations ng NCPO, maglalaan ang Police Regional Office ng karagdagang 550 pulis na tutulong sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa araw ng plebisito.
Ani Taduran, nakatalaga na sa papel ang naturang 550 personnel, ngunit magiging ganap ang kanilang operational deployment sa itinakdang panahon.
Bukod dito, mahigit 800 tauhan ng NCPO ang maagang ide-deploy upang matiyak ang seguridad sa iba’t ibang lugar na sakop ng plebisito.
Magbibigay rin ang Police Regional Office ng karagdagang mga sasakyan at kagamitan, kabilang ang mga drone, upang suportahan ang operasyon ng kapulisan.
Kabilang sa mga bubuuing deployment unit ang Quick Reaction Team (QRT), traffic personnel, Civil Disturbance Management (CDM) personnel at iba pang puwersang itatalaga sa mga kinakailangang lugar.
Ayon pa kay Taduran, bahagi ito ng paghahanda ng kapulisan upang matiyak ang maayos at mapayapang pagsasagawa ng plebisito sa Nobyembre 21, 2026.













