Kinumpirma ng National Privacy Commission (NPC) nitong Martes ng gabi, Nobyembre 10, na nakatanggap na ito ng mga ulat hinggil sa personal data breaches mula sa sampung ahensya ng pamahalaan.
Kabilang sa mga ahensyang nagsumite ng abiso ang Presidential Commission on Good Government (PCGG), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Labor and Employment (DOLE), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Kasama rin sa listahan ang Department of Justice (DOJ), Securities and Exchange Commission (SEC), Philippine Coast Guard (PCG), Department of Trade and Industry (DTI), at DOST-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon kay NPC Deputy Privacy Commissioner at Spokesperson Atty. Jose Belarmino II, mahalaga ang pagsusumite ng mga abiso upang masuri ng Compliance and Monitoring Division ang mga naiulat na insidente at matukoy ang lawak ng epekto nito sa mga apektadong indibidwal.
Layunin din ng pagsusuri na malaman ang mga hakbang na isinagawa ng bawat ahensya upang matugunan ang mga insidente at maprotektahan ang personal na impormasyon ng publiko.








