Nagsilbing ikaapat na testigo ng defense panel si Atty. Suzette Balucanag-Punay sa ika-42 araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ngayong Miyerkules, Nobyembre 11.
Si Balucanag-Punay, corporate counsel ng GenCorp Industries, Inc. at Metro City Chow Foods Corp., ay humarap sa witness stand upang patunayan na walang pagmamay-ari ng shares, posisyon bilang opisyal, o pagiging direktor si Duterte sa alinman sa dalawang kumpanya.
Dapat sana ay noong Lunes, Nobyembre 9, ang kaniyang pagtestigo, subalit ipinagpaliban ito dahil mayroon siyang naunang nakatakdang MRI procedure.
Pormal na sinimulan ang pagdinig sa pangunguna ni Senator-Judge Pia Cayetano, na nanguna rin sa pambukas na panalangin. Idineklara rin ang pagkakaroon ng quorum matapos makadalo ang 13 senator-judges sa bulwagan.
Bago si Balucanag-Punay, ilang personalidad na rin ang naunang humarap bilang mga testigo ng depensa nitong mga nakaraang araw.
Matatandaang nakatanggap ng puna mula sa ilang senator-judge ang mga naunang testigo dahil sa umano’y pag-iwas sa pagbibigay ng direkta at malinaw na sagot sa mahahalagang katanungan kaugnay ng impeachment case.








