Nanawagan ang Bicolana Gabriela sa pamahalaan na bigyang-pansin ang mga isyung panlipunan, pang-ekonomiya at pangkarapatang pantao sa idaraos na ASEAN Summit, partikular ang kalagayan ng kababaihan at mga manggagawa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Ngaa kay Jen Nagrampa, Chairperson ng Bicolana Gabriela, iginiit nitong tutol ang kanilang grupo sa pagbisita ni US President Donald Trump dahil sa pangambang makaapekto sa soberanya, likas na yaman at kapakanan ng mamamayang Pilipino ang mga kasunduang maaaring lagdaan.
Binigyang-diin din ni Nagrampa ang pangangailangang tugunan ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, langis, kuryente at tubig, gayundin ang mababang sahod ng mga manggagawa at kawalan ng sapat na oportunidad sa kababaihan.
Hinimok din niya ang mga awtoridad na igalang ang karapatan ng mga grupo na magsagawa ng mapayapang protesta at ipahayag ang kanilang saloobin sa panahon ng summit, alinsunod sa karapatan sa malayang pamamahayag at pagtitipon.
Samantala, inanunsiyo ng Bicolana Gabriela ang pagsasagawa ng mga forum sa mga paaralan at komunidad sa Bicol upang higit na maipaliwanag sa publiko ang mga usaping kaugnay ng ASEAN Summit at mga isyung pampulitika at pang-ekonomiya sa bansa.














