Photo @ web

Ibinunyag ng isang women’s group ang patuloy na pagharap ng mga manggagawang kababaihan sa Bicol sa iba’t ibang hamon tulad ng diskriminasyon, sexual harassment, at mataas na kwalipikasyon sa trabaho na nagiging hadlang sa kanilang kabuhayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jen Nagrampa, Chairperson ng Bicolana Gabriela, ang isa sa pinakamalaking isyu ay ang ENDO o contractualization kung saan nalilimitahan lamang sa anim na buwan ang trabaho ng mga manggagawa.

Ayon kay Nagrampa, problema rin ang mababang sahod ng mga kababaihan kahit ito ay nakaayon sa minimum wage na kamakailan lamang ay itinaas. Giit niya, hindi pa rin ito sapat upang matugunan ang pangangailangan lalo na ng mga single mother.

Binanggit din niya ang laganap na diskriminasyon sa mga lugar ng trabaho, partikular sa mga sales lady at empleyado sa BPO sector. Dagdag pa rito ang mataas na kwalipikasyon sa pag-aaplay ng trabaho kung saan kinakailangan ng puhunan para sa uniporme, make-up, at iba pang gastusin, bukod pa sa rekisito ng pagtatapos ng kolehiyo o pagkakaroon ng karanasan.

Advertisement

Aniya, may ilang trabaho rin na nangangailangan ng “pleasing personality” bilang pamantayan sa pagtanggap ng aplikante. May mga reklamo ring mula sa ilang sales lady at cashier na kinakailangang tumayo nang walong oras o higit pa habang naka-high heels, at may limitadong oras lamang sa paggamit ng palikuran.

Samantala, magsasagawa ng consultative forum ang Bicolana Gabriela sa Mayo 1 katuwang ang iba’t ibang sektor upang makalap ang datos, testimonya, at masuri ang tunay na kalagayan ng mga manggagawa sa rehiyon.

Kasabay nito, ipapanawagan ng grupo ang pagtaas ng minimum wage sa P1,200 sa buong bansa.

Iginiit din ni Nagrampa ang kahalagahan ng pagpapatupad ng gender sensitivity policies upang maprotektahan ang mga manggagawa, lalo na ang kababaihan, laban sa sexual harassment at diskriminasyon sa workplace.

Advertisement