Tiniyak ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang kahandaan ng mga paliparan sa bansa para sa pagdating ng mga head of state at kanilang mga delegado na lalahok sa ASEAN Summit.

Inaasahang maaapektuhan ang ilang flight schedule at libo-libong pasahero dahil sa mga aktibidad na may kaugnayan sa ika-49 na ASEAN Summit na gaganapin sa bansa.

Ayon kay CAAP Public Information Officer Bea Bernardo, nakahanda ang ahensya na umalalay sa mga lider ng iba’t ibang bansa na dadalo sa nasabing pagtitipon.

Pinayuhan din niya ang mga pasahero na regular na suriin ang kanilang flight schedules upang maiwasan ang aberya at pagkaantala sa biyahe.

Advertisement

Bilang bahagi ng paghahanda, nagtalaga rin ng mga airport help desk upang tumulong sa mga pasaherong maaapektuhan ng mga pagbabago sa operasyon ng paliparan.

Nilinaw naman ng CAAP na mananatiling normal ang proseso ng security screening sa mga paliparan at wala ring planong pagsasara ng mga kalsada.

Advertisement