Nakatakdang magharap pa ng karagdagang mga testigo ang defense team ni Vice President Sara Duterte upang sagutin ang mga katanungang hindi nabigyang-linaw sa mga naunang testimonya, partikular ang mga isyung may kaugnayan sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Ayon kay Defense spokesperson Atty. Michael Poa, kabilang sa mga nais nilang ipaliwanag ang pagkakaiba ng mga impormasyong nakasaad sa SALN ni Duterte at ng mga dokumentong nakatala sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Kasunod ito ng naging pagtatanong ni Senate President at Impeachment Court Presiding Officer Francis Escudero kay defense witness Atty. Suzette Balucanag-Punay tungkol sa umano’y investment ng Bise Presidente sa isang fast-food branch.
Sa naturang pagdinig, inamin ni Balucanag-Punay na hindi niya alam kung bakit tumatanggap ng bayad si Duterte mula sa nasabing negosyo.
Ipinaliwanag naman ni Poa na magkakaiba ang saklaw ng kaalaman ng bawat testigo kaya kinakailangan pa nilang magharap ng iba pang saksi upang magbigay ng karagdagang impormasyon at linawin ang mga natitirang katanungan.
Samantala, karamihan sa mga kinatawan ng bangko ay hindi na umano ihaharap bilang mga testigo, maliban sa kinatawan ng isa pang bangko.
Sa ngayon, nananatiling hindi inilalantad ng defense team ang pagkakakilanlan ng iba pa nilang mga nakatakdang iharap sa impeachment trial.













