Inaresto ang isang 50-anyos na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Martes, Nobyembre 10, matapos umanong magbitaw ng biro tungkol sa bomba.
Ayon sa PNP Aviation Security Group (PNP-AVSECG), patungong Hong Kong sana ang pasahero nang mangyari ang insidente habang ipinapaliwanag ng isang airline passenger service agent ang mga restriksyon sa pagdadala ng dangerous goods at electronic devices.
Dahil sa naturang pahayag, agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad katuwang ang Explosive Ordnance Disposal (EOD) team.
Gayunman, walang nakitang anumang pampasabog o incendiary materials sa bagahe ng pasahero matapos itong inspeksyunin.
Sa kabila nito, inaresto siya ng mga pulis at dinala sa NAIA Police Station 1.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong isasampa laban sa lalaki dahil sa umano’y paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o mas kilala bilang Anti-Bomb Joke Law.













