Walang garantisadong sahod ang mga empleyadong hindi papasok sa Nobyembre 16 hanggang 18, na idineklarang special non-working holidays kaugnay ng pagdaraos ng 49th ASEAN Summit.
Batay sa Labor Advisory No. 16, Series of 2026 ng Department of Labor and Employment (DOLE), paiiralin sa mga nasabing araw ang patakarang “No Work, No Pay” para sa mga manggagawang hindi magtatrabaho.
Gayunman, maaari pa ring makatanggap ng bayad ang mga empleyadong hindi papasok kung may umiiral na company policy o Collective Bargaining Agreement (CBA) na nagbibigay ng ganitong benepisyo.
Samantala, ang mga empleyadong papasok at magtatrabaho sa tatlong araw na special non-working holidays ay may karapatang tumanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanilang basic wage para sa unang walong oras ng trabaho.
Pinayuhan naman ang mga manggagawa na alamin ang umiiral na polisiya sa kanilang kumpanya upang matiyak ang kanilang mga karapatan at benepisyo sa nasabing mga holiday.
Para sa karagdagang katanungan o paglilinaw tungkol sa holiday pay, maaaring makipag-ugnayan sa DOLE sa pamamagitan ng kanilang hotline na 1530.













