Nakatakdang muling bumalik sa Pilipinas si dating United Nations Special Rapporteur on extrajudicial killings at kasalukuyang Amnesty International Secretary-General Agnès Callamard upang makipagkita sa mga pamilya ng mga nasawi sa madugong kampanya kontra droga ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang unang pagbisita ni Callamard sa bansa mula noong 2017, matapos alisin ang immigration ban na ipinataw sa kanya noong panahon ng administrasyong Duterte.
Batay sa anunsyo, mananatili siya sa Pilipinas mula Nobyembre 19 hanggang 22, kasunod ng pagtanggal sa naturang ban noong Setyembre.
Ikinatuwa ni Callamard ang pagkakataong muling makabalik sa bansa at makaharap ang mga pamilya ng mga biktima at mga nakaligtas sa kampanyang tinawag na “war on drugs.” Layunin din niyang kilalanin at bigyang-pugay ang kanilang tapang at katatagan sa kabila ng mga karahasang kanilang naranasan.
Bukod sa mga pamilya ng mga biktima, inaasahan ding makikipagpulong si Callamard sa mga abogadong tumutol sa kampanya kontra droga, gayundin sa mga mamamahayag na nagdokumento at nagsiwalat ng mga pangyayari kaugnay ng operasyon.
Ayon sa kanya, mahalaga ang pagbabalik niya sa Pilipinas sa gitna ng nakatakdang paglilitis kay Duterte sa The Hague kaugnay ng kasong crimes against humanity of murder. Binigyang-diin din niya ang mahalagang ambag ng mga Pilipino, abogado at organisasyon ng civil society sa patuloy na paghahanap ng katarungan sa pandaigdigang larangan.
Matatandaang noong 2017, unang nagtungo si Callamard sa Pilipinas upang dumalo sa isang akademikong kumperensya hinggil sa drug policy at sa paggunita ng ika-30 anibersaryo ng Commission on Human Rights (CHR).








