Isinusulong ng Barangay Concepcion Grande ang pagtatayo ng sariling pampublikong paaralang sekondarya upang mailapit ang serbisyong pang-edukasyon sa mga kabataang residente at mabawasan ang gastusin ng mga magulang sa pagpapaaral sa kanilang mga anak.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Barangay Captain Jerrold Rito, sinabi nitong kabilang sa mga hakbang na kanilang isinusulong ang pagbuo ng manifesto o pahayag ng suporta mula sa mga magulang, partikular na sa mga magulang ng mga mag-aaral sa Grade 6.

Plano rin ng barangay na personal na makipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) upang alamin ang pananaw at posisyon ng Schools Division Superintendent hinggil sa kanilang panukala.

Naniniwala ang opisyal na maraming estudyante ang maaaring mag-enroll sa sandaling magkaroon ng sariling high school ang barangay, lalo na kung maitatayo ito sa lugar na madaling puntahan at malapit sa pangunahing kalsada.

Advertisement

Malaking tulong din umano ito sa mga mag-aaral na kasalukuyang bumibiyahe pa patungo sa Camilo National High School, Del Rosario High School at Construction Peñafrancia National High School.

Ayon kay Rito, sa halip na gastusin ang baong P12 hanggang P14 para sa pamasahe, maaari na itong magamit ng mga bata para sa pagkain at iba pang pangangailangan sa paaralan.

Binigyang-diin din niya na pangunahing layunin ng kanilang panukala na gawing mas abot-kaya at maginhawa ang edukasyon, lalo na para sa mga pamilyang may limitadong kakayahang pinansyal.

Dahil dito, umaapela ang barangay sa DepEd at sa pamahalaang lungsod ng Naga na suportahan ang kanilang panukala para sa pagtatayo ng sariling pampublikong high school sa Concepcion Grande.

Umaasa ang opisyal na kapag naisakatuparan ang proyekto, mababawasan ang mga hadlang sa pag-aaral ng kabataan at makatutulong ito sa patuloy na pag-unlad ng kanilang barangay.

Advertisement