Nagsagawa ang Philippine National Police (PNP), sa pamamagitan ng Mobile Force at mga lokal na himpilan ng pulisya, ng serye ng community engagement activities at School Safety Awareness Lectures sa apat na paaralan mula Nobyembre 10 hanggang 15 upang palakasin ang kahandaan at kaalaman ng mga estudyante at school personnel sa pagharap sa mga posibleng banta sa seguridad.

Kabilang sa mga paksang tinalakay ang mga nararapat gawin kapag may insidente ng pamamaril, riot, pananaksak at iba pang uri ng panganib na maaaring mangyari sa loob o paligid ng paaralan.

Lumahok sa aktibidad ang Julian Meritan Elementary School sa Concepcion Pequeña, STI at Ateneo de Naga Junior High School.

Ayon sa pulisya, ibinatay sa masusing pagsusuri ang mga aralin at pagsasanay upang matiyak na angkop ang mga hakbang sa posibleng emergency situation sa bawat paaralan.

Advertisement

Nagsagawa rin ng simulation exercises upang mas maunawaan ng mga estudyante at school personnel ang tamang pagkilos sa oras ng emergency at maiwasan ang pagkataranta.

Binigyang-diin din ng PNP ang kahalagahan ng maagap na pagtugon sa mga kahina-hinalang kilos at posibleng banta sa seguridad.

Samantala, mahalaga rin ang koordinasyon ng mga paaralan, school principal at guidance counselor sa pagharap sa mga ganitong sitwasyon. Ipinunto rin ng pulisya na dapat munang matugunan sa antas ng paaralan, katuwang ang mga opisyal ng barangay, ang mga problemang may kaugnayan sa mga estudyante bago magsagawa ng karagdagang interbensyon ang PNP kung kinakailangan.

Advertisement