Nagpatupad ng panibagong malaking bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis ngayong araw, na inaasahang magbibigay-ginhawa sa mga motorista at iba pang konsyumer.

Simula alas-6 ng umaga, bumaba ng ₱3.80 kada litro ang presyo ng diesel at ₱1.50 naman sa gasolina. Pinakamalaki ang naging rollback sa kerosene na umabot sa ₱5.80 kada litro.

Ayon sa Department of Energy (DOE), kabilang sa mga dahilan ng pagbaba ng presyo ang malayang paglalayag ng mga oil tanker sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng transportasyon ng langis sa pagitan ng Persian Gulf at Gulf of Oman.

Ang maayos na daloy ng mga tanker sa naturang karagatan ay nakatutulong upang mabawasan ang pangamba sa posibleng pagkaantala ng suplay ng langis at ang epekto nito sa pandaigdigang presyo ng krudo.

Advertisement

Bukod dito, naaapektuhan din ang presyo ng mga produktong petrolyo ng galaw ng pandaigdigang merkado, kabilang ang antas ng suplay at demand.

Kasunod ito ng ilang linggong pagbabago-bago sa presyo ng langis, kaya inaasahang makatutulong ang rollback upang mabawasan kahit paano ang gastusin ng mga motorista at mga pamilyang apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Patuloy namang minomonitor ng DOE ang pandaigdigang merkado upang matiyak ang sapat na suplay at mapanatili ang makatwirang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Advertisement