Kinumpirma ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte, na ligtas nang narekober ang dalawang dating household staff ng Bise Presidente sa tulong ng kaniyang legal team at ng mga pulis noong Nobyembre 17, 2026.

Batay sa salaysay ng dalawa na inilabas ni Panelo nitong Miyerkules, Nobyembre 18, ni-recruit umano sila ng isang pribadong indibidwal noong Oktubre 2026 upang magtrabaho sa isang resort sa Boracay. Gayunman, sa halip na dalhin sa naturang lugar, dinala umano sila sa Maynila sa dahilang sasailalim sila sa pagsasanay.

Ayon pa sa kanilang salaysay, noong Nobyembre 16 ay sinabihan sila ng kanilang employer na nanganganib ang kanilang buhay, gayundin ang buhay nito dahil sa pagkupkop sa kanila. Mawawala lamang umano ang naturang banta kung pipirma sila sa mga inihandang affidavit na naglalaman daw ng mga maling paratang laban kay Duterte.

Advertisement

Tumanggi umano ang dalawa na lumagda sa mga dokumento. Bagama’t nilinaw nilang hindi sila ikinulong, nanatili sila sa poder ng kanilang employer dahil sa pangamba sa kanilang kaligtasan hanggang sa humingi sila ng tulong sa Bise Presidente.

Agad namang kumilos ang legal team ni Duterte kasama ang mga pulis upang sunduin ang dalawa. Dinala rin sila sa himpilan ng pulisya upang makapagsumite ng sinumpaang salaysay at maitala ang insidente sa police blotter.

Ayon sa kampo ng Bise Presidente, napigilan ang umano’y tangkang paggamit sa dalawang dating tauhan bilang mga saksi sa pamamagitan ng sinasabing huwad na testimonya.

Samantala, tumanggi muna ang kanilang kampo na magbigay ng karagdagang detalye kaugnay ng insidente upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng sangkot.

Advertisement