Inihayag ni Myanmar President Min Aung Hlaing nitong Miyerkules na muling susuriin ng kanyang administrasyon ang ugnayan ng bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), kasunod ng mga reklamo nito sa umano’y hindi patas na pagtrato ng regional bloc.
Ginawa ni Min Aung Hlaing ang pahayag sa harap ng mahigit 540 mambabatas at opisyal sa kabiserang Naypyitaw, matapos muling igiit ng mga lider ng ASEAN sa kanilang summit sa Pilipinas na hindi pa sapat ang naging progreso ng Myanmar sa pagpapatupad ng five-point peace plan.
Kinuwestiyon ng lider ng Myanmar ang naging pahayag ng ASEAN at iginiit na hindi ito makatarungan. Aniya, sumasalamin lamang ito sa personal na pananaw ng ilang lider at hindi sa kolektibong posisyon ng buong samahan.
Sa kanyang mahigit dalawang oras na talumpati, binatikos din niya ang ASEAN dahil sa umano’y paglalagay ng political pressure at pagpapahiya sa Myanmar. Iginiit niyang hindi umano ipinakita ang kaparehong pagtrato sa iba pang miyembrong bansa na nakaranas din ng kudeta at krisis pampolitika mula nang itatag ang ASEAN noong 1967.
Sa kabila ng planong pagrepaso sa relasyon ng Myanmar sa buong samahan, nilinaw ni Min Aung Hlaing na magpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanyang bansa sa mga indibidwal na miyembro ng ASEAN. Inanunsyo rin niya ang planong pagsasagawa ng isang peace conference sa Pebrero bilang bahagi ng pagsisikap na makamit ang pangmatagalang kapayapaan.
Matatandaang nananatiling limitado ang ugnayan ng Myanmar sa international community, habang hindi pinahihintulutang dumalo ang matataas na opisyal nito sa mga pangunahing pagpupulong ng ASEAN mula nang agawin ng militar ang kapangyarihan mula sa administrasyon ni Aung San Suu Kyi noong 2021.














