Patuloy na nagsisikap ang Pamahalaang Lungsod ng Naga na maipaliwanag sa mga botante ang panukalang pag-convert sa Naga bilang Highly Urbanized City (HUC), isang araw bago matapos ang kampanya para sa plebisito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Naga City Mayor Leni Robredo, sinabi nitong isa sa mga pangunahing hamon ng kampanya ang limitadong panahon upang maipabatid sa publiko ang mga posibleng epekto at benepisyo ng pagiging HUC ng lungsod.

Batay sa isinagawang survey, 13 porsyento ng mga respondent ang wala pang sapat na kaalaman tungkol sa plebisito, dahilan upang paigtingin pa ng lokal na pamahalaan ang pagpapalaganap ng impormasyon sa huling araw ng kampanya.

Samantala, 7 porsyento naman ang tutol sa panukalang HUC conversion, habang may mga hindi pa nakapagpapasya at nangangailangan pa ng karagdagang impormasyon.

Advertisement

Binigyang-diin ni Robredo na hindi dapat ibatay sa pulitika o personalidad ang pagpapasya, kundi sa mga opisyal na datos at posibleng epekto ng panukala sa lungsod at mga residente.

Dagdag pa niya, maaaring makakuha ng impormasyon ang publiko mula sa mga datos na makatutulong sa mga botante na makabuo ng sariling desisyon.

Kapag nakakuha ng mayoryang boto ang panig na “YES,” magiging kauna-unahang lungsod sa Rehiyon Bicol ang Naga na magkakaroon ng Highly Urbanized City status.

Advertisement