Sinimulan nang buksan at imbentaryuhin sa City Treasurer’s Office ang mga balotang gagamitin sa nalalapit na plebisito sa Naga City sa Nobyembre 21.

Dumalo sa naturang imbentaryo sina Atty. Maico T. Julia Jr., Election Officer IV ng COMELEC Naga, at City Treasurer Maria Socorro R. Gayanilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Julia, sinabi nitong matapos buksan at suriin ang mga selyadong sobre, pagsasama-samahin ang mga ito ayon sa kani-kanilang polling precinct bago ilagay sa mga ballot box kasama ang iba pang election paraphernalia.

Bawat balota ay may sukat na kalahati ng isang short bond paper. Inaatasan ang mga botante na isulat ang “YES” o “NO” bilang kanilang pasya at maglagay ng thumbmark sa ibabang kanang bahagi ng balota.

Advertisement

Nakatakdang simulan sa Nobyembre 20 ang maagang pamamahagi ng mga ballot box sa mga malalayong paaralan, habang sa madaling-araw naman ng Nobyembre 21 ihahatid ang mga ito sa iba pang paaralan.

Ang mga guro ang kukuha ng mga ballot box sa City Treasurer’s Office at magdadala ng mga ito sa kani-kanilang voting center. Samantala, babantayan ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad ng mga kagamitan.

Advertisement