Idineklara nang state of calamity ang buong lalawigan ng Isabela bunsod ng malawakang pinsalang idinulot ng matinding El Niño sa sektor ng agrikultura.
Batay sa Resolution No. 2026-D-01 na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan noong Nobyembre 12, 2026, lumampas na sa P2.88 bilyon ang pinsala sa mga pananim na mais, palay at high-value crops na sumasaklaw sa mahigit 125,807 ektarya.
Ayon sa DOST-PAGASA, inaasahang magpapatuloy ang matinding El Niño hanggang sa unang kalahati ng 2027, na posibleng magdulot ng mas kaunting pag-ulan at patuloy na tagtuyot.
Dahil sa deklarasyon, maaari nang gamitin ang Local Disaster Risk Reduction and Management Fund, kabilang ang Quick Response Fund, para sa mga kinakailangang tulong, relief at rehabilitasyon ng mga apektadong komunidad.
Hihingi rin ng suporta sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisdang makabangon mula sa pinsalang dulot ng tagtuyot.
Mananatiling umiiral ang deklarasyon hanggang Nobyembre 10, 2027.













