Dalawang beses sa isang araw nagsasagawa ng ensayo ang Gilas Pilipinas bilang paghahanda sa nalalapit na Fifth Window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na gaganapin sa Malaysia.

Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Tim Cone, kumpleto na ang 12-man roster ng koponan matapos makarating sa Malaysia ang lahat ng manlalaro. Huling dumating ang bagong naturalized player na si Beannie Boatwright.

Sinimulan na ng koponan ang kanilang paghahanda nitong Sabado, kasunod ng pagdating ng halos lahat ng miyembro ng Gilas.

Advertisement

Kabilang sa mga manlalarong kasama sa lineup sina CJ Perez, Juan Gomez de Liaño, Chris Newsome, Troy Rosario, Kai Sotto, Kevin Quiambao, Dwight Ramos, Mike Phillips, AJ Edu, Beannie Boatwright at Quentin Millora-Brown.

Layunin ng Gilas Pilipinas na ma-sweep ang kanilang mga natitirang laro sa window na ito upang mapalakas ang tsansa nilang makakuha ng isa sa tatlong direktang puwesto sa FIBA World Cup, o maging best fourth-placer mula sa dalawang grupo sa second round.

Sa kasalukuyan, mayroong apat na panalo at apat na talo ang Gilas sa Group E. Samantala, tabla naman ang Iran at Jordan sa ikalawang puwesto na may tig-limang panalo at tatlong pagkatalo.

Umaasa rin ang Pilipinas sa magiging resulta ng mga laro ng kanilang mga karibal. Makakaharap ng Jordan ang New Zealand at Australia, habang Australia naman ang makakalaban ng Iran.

Sa ngayon, nananatiling nangunguna sa grupo ang Australia na may malinis na 8-0 record, habang pumapangalawa ang New Zealand na may anim na panalo at dalawang talo.

Sa Biyernes, unang susubok ang Gilas laban sa Syria bago harapin ang Iran sa Linggo. Mahalaga ang dalawang laban na ito para sa kanilang kampanya na makapasok sa susunod na FIBA World Cup.

Advertisement