Ipinaliwanag ng isang law student ang mga posibleng dahilan sa mababang voter turnout sa nagdaang plebisito kaugnay ng conversion ng Naga City bilang Highly Urbanized City (HUC).

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jerwin Roy R. Villacruz, isang law student, kabilang sa mga posibleng dahilan ng mababang partisipasyon ang kakulangan ng kaalaman tungkol sa plebisito, kawalan ng interes, trabaho, pag-aaral at kalayuan ng mga voting center.

Binigyang-diin niya na hindi nangangahulugang tutol sa pagiging HUC ng Naga City ang mga hindi nakilahok sa pagboto, dahil maaaring may iba’t ibang dahilan ang mga ito sa hindi paglahok.

Ipinaliwanag din ni Villacruz na batay sa umiiral na batas, ang pagbabatayan ng resulta ng plebisito ay ang mayorya ng mga balidong boto at hindi ang kabuuang bilang ng mga rehistradong botante.

Advertisement

Batay sa resulta ng plebisito, nakakuha ng 82.12 porsyento ang YES votes, habang 17.88 porsyento naman ang NO votes.

Samantala, sinabi rin niya na posibleng nakaapekto sa bilang ng mga botante ang pagsasagawa ng plebisito bilang isang hiwalay na halalan at hindi kasabay ng lokal o pambansang eleksyon.

Dahil dito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapalakas ng voter education upang higit na maunawaan ng publiko ang kanilang karapatang bumoto at tungkuling makilahok sa mga usaping may malaking epekto sa kanilang komunidad.

Nanawagan din siya sa mga paaralan, non-government organizations, pribadong sektor at lokal na pamahalaan na paigtingin ang pagpapalaganap ng impormasyon upang mahikayat ang mas aktibong partisipasyon ng mga mamamayan sa mga susunod na halalan.

Advertisement