Kinumpirma ng Bureau of Fire Protection (BFP) na isa ang nararanasang napakatinding El Niño sa mga dahilan ng kapansin-pansing pagtaas ng mga insidente ng sunog sa bansa ngayong taon kumpara sa nakalipas na taon.
Ayon kay BFP Spokesperson FSupt. Anthony Arroyo, mahigit 30 porsiyento ang itinaas ng kabuuang bilang ng mga sunog sa buong bansa, kabilang ang structural at non-structural fires.
Ipinaliwanag ni Arroyo na mas malaki ang itinaas sa mga non-structural fire na umabot sa halos 50 porsiyento. Dulot ito ng matinding tagtuyot, partikular sa mga probinsya, na nagpapataas sa panganib ng mga grass fire, forest fire, wildfire at rubbish fire.
Samantala, tiniyak ng BFP na handa itong tumulong sa mga komunidad na nakararanas ng kakulangan sa suplay ng tubig bilang bahagi ng tungkulin nito sa humanitarian assistance at disaster response sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Maaari umanong gamitin ang mga fire truck at tangke ng ahensya sa paghahatid at pamamahagi ng tubig sa mga apektadong lugar at local government units (LGUs).
Itinuturing din ng BFP na emergency situation ang kakulangan sa tubig kaya nakikipag-ugnayan na ito sa mga water utility upang makakuha ng suplay mula sa mga fire hydrant at maipamahagi sa mga residenteng nangangailangan.
Gayunman, nagbabala ang ahensya na hindi ligtas inuming tubig ang direktang nagmumula sa kanilang mga tangke. Pinayuhan ang publiko na pakuluan muna ito bago inumin kung wala nang ibang mapagkukunan ng malinis na tubig.









