Handa nang sumabak ang Gilas Pilipinas sa fifth window ng 2027 FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers, kung saan unang makakaharap ng pambansang koponan ang Syria ngayong Biyernes sa Seremban, Malaysia.

Nakatakdang ganapin ang laban alas-8 ng gabi sa Karisma Arena. Mahalaga ang pagkapanalo para sa Gilas, na kasalukuyang nasa ikalimang puwesto ng Group E na may rekord na apat na panalo at apat na talo.

Kailangan ng Pilipinas na makapagtala ng panalo upang mapataas ang tsansa nitong makausad sa susunod na yugto ng torneo, kung saan kinakailangang makapasok sa top three ng kanilang grupo.

Advertisement

Pangungunahan ni naturalized player Bennie Boatwright ang koponan sa kaniyang unang paglalaro para sa Gilas. Kabilang din sa roster sina Kai Sotto, AJ Edu, Quentin Millora-Brown, Mike Phillips, Dwight Ramos, Scottie Thompson, Kevin Quiambao at Juan Gomez de Liaño.

Pagkatapos ng kanilang paghaharap kontra Syria, susunod namang makakasagupa ng Gilas ang Iran sa Linggo, Nobyembre 29, sa ganap na alas-5 ng hapon.

Target ng pambansang koponan na masungkit ang dalawang panalo sa kasalukuyang qualifying window upang mapanatili ang kanilang tsansang makapasok sa susunod na round ng 2027 FIBA Basketball World Cup Qualifiers.

Advertisement