Nakatakdang repasuhin at i-update ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa 2027 ang Occupational Safety and Health (OSH) standards upang maisama ang paggamit ng artificial intelligence (AI) at iba pang makabagong teknolohiya sa pagpapanatili ng kaligtasan sa mga lugar ng trabaho.
Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, layunin ng hakbang na higit pang palakasin ang proteksyon ng mga manggagawa kasabay ng patuloy na pag-unlad at pagbabago sa mga workplace.
Inaasahan din na pagsapit ng 2036 ay mas magiging automated ang mga sistema para sa kaligtasan sa trabaho. Kabilang dito ang paggamit ng sensors, cameras, robotics at mga software na kayang makadetect ng posibleng panganib at makatulong upang maiwasan ang mga aksidente.
Gayunman, iginiit ng kalihim na hindi dapat manaig ang teknolohiya sa pagpapahalaga sa buhay, kalusugan at karapatan ng bawat manggagawa.
Binigyang-diin din niya na ang occupational safety and health ay hindi lamang tungkol sa pagsunod sa mga batas at regulasyon, kundi pagpapakita rin ng paggalang sa dignidad ng bawat manggagawang Pilipino.
Kaugnay nito, inaasahan ng DOLE na makakalap ng mga rekomendasyon at mungkahi mula sa iba’t ibang industriya at occupational safety advocates upang higit pang mapahusay ang mga pamantayan para sa ligtas at maayos na kapaligiran sa trabaho.












