Pormal nang sinalubong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsisimula ng pagdiriwang ng Pasko sa Malacañang sa pamamagitan ng taunang Christmas tree lighting ceremony na ginanap sa Kalayaan Grounds. Tampok sa okasyon ang mga makukulay at tradisyonal na parol na kumakatawan sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Nakiisa sa pagdiriwang ang First Lady Louise Araneta-Marcos, House Majority Leader Sandro Marcos, dating Unang Ginang Imelda Marcos, at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng Pangulo ang pagiging natatangi ng Paskong Pilipino, na nagsisimula nang madama pagsapit pa lamang ng Setyembre at patuloy na ipinagmamalaki ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa iba’t ibang panig ng mundo, partikular ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Advertisement

Ayon kay Marcos, sa kabila ng mabibigat na responsibilidad at mga hamong kinakaharap, nagsisilbing pagkakataon ang Kapaskuhan upang muling magsama-sama ang mga pamilya, magpatawad, magpasalamat, at magkaroon ng panibagong pag-asa.

Hinimok din ng Pangulo ang mga mambabatas na pairalin ang diwa ng Pasko sa kanilang pagsisimula ng bicameral deliberations para sa panukalang 2027 national budget, upang matiyak na ang mga programang pinopondohan ng pamahalaan ay tunay na makatutugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Binigyang-diin din niya sa mga opisyal at kawani ng gobyerno ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng maayos at tapat na serbisyo publiko upang maging ligtas, maayos, at masaya ang pagdiriwang ng kapaskuhan ng bawat Pilipino.

Sa huli, hinikayat ng Pangulo ang lahat na samantalahin ang panahon ng Pasko upang makapagpahinga, makapiling ang mga mahal sa buhay, at muling makapag-ipon ng lakas sa pagharap sa mga susunod na hamon. Nagtapos ang kanyang mensahe sa pagbati ng isang maligayang Pasko at masaganang Bagong Taon sa buong sambayanang Pilipino.

Advertisement