Nagbabala nitong Sabado ang Bureau of Immigration (BI) laban sa mga kahina-hinalang alok na mga trabaho sa labas ng bansa, partikular sa mga may kinalaman sa mga lugar na may kaguluhan sa Eastern Europe.
Batay sa naitalang datos ng BI mula Nobyembre 2025 hanggang Nobyembre 2026, 86 na Pilipino na tungo sanang abroad para sa mga naturang uri ng trabaho ang hinarang ng ahensiya at isinailalim sa pagsusuri ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Kabilang dito ang 78 kalalakihan at walong kababaihan, na pawang mga nakatapos ng pag-aaral sa kolehiyo ang karamihan.
Tungo sana ang mga naturang indibidwal sa magkakaibang destinasyon sa Russia, Brunei, China, Hong Kong, Malaysia, Singapore, Taiwan, at iba pang mga bansa sa Asya.
Unang iginiit ng mga pasahero na sila ay mga turista ngunit kalaunan ding umamin sa kanilang layunin na magtrabaho abroad kasunod ng mga paglilitis.
Samantala, hinikayat naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga job seeker na idaan ang kanilang proseso sa Department of Migrant Workers at iba pang awtorisadong recruitment channels upang maiwasan ang mga kahina-hinalang alok na lumalabag sa tamang proseso ng pamahalaan.
Balak din aniya ng ahensiya na higpitan ang pagpapatupad ng Strict Departure Policy sa ilalim ng Section 24 nf 2022 Revised IRR ng RA 9208 alinsunod sa kampanya ng administrasyon laban sa illegal recruitment at human trafficking.
Pinayuhan din ni Viado ang publiko na huwag ipagsapalaran ang kanilang buhay, dahil aniya, walang anumang alok na trabaho ang katumbas ng pagsugal ng kanilang buhay sa giyera.
Kaugnay ito ng mga ulat ng 30 Pilipino na nananawagan ng tulong matapos maipadala sa Russian-occupied territories sa Ukraine na kasalukuyang iniimbestigahan ng Department of Migrant Workers at Department of Foreign Affairs.











