Photo © web

Tinutulan ng common legal representatives of the victims (CLRV) ng war on drugs ang kahilingan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na payagang iapela ang naunang desisyon ng International Criminal Court (ICC) na kumikilala sa mga kasong crimes against humanity laban sa kanya.

Sa isang 12-pahinang dokumento na may petsang Mayo 4, iginiit ng CLRV na walang bagong legal na isyung naihain ang depensa na magbibigay ng batayan para sa interlocutory appeal sa ilalim ng Rome Statute.

Ayon sa mga abogado ng mga biktima na sina Gilbert Andres, Joel Butuyan, at Paolina Massidda, inuulit lamang umano ng depensa ang mga argumentong dati nang tinanggihan ng Pre-Trial Chamber I at hindi nagpakita ng malinaw na error sa desisyon.

“The Victims oppose the Request in its entirety,” ayon sa kanilang isinumiteng pleading.

Advertisement

Giit pa ng CLRV, hindi rin naipakita ng depensa na ang mga isyung inihain ay makaaapekto sa fairness o bilis ng paglilitis, o makapagpapabago sa magiging resulta ng kaso.

Ayon sa kanila, ang pagbibigay ng pahintulot para sa apela ay magdudulot lamang ng pagkaantala sa proseso at hindi makakatulong sa alinmang panig.

Noong Abril 29, humiling ang legal team ni Duterte ng permiso mula sa ICC para iapela ang desisyon ng Pre-Trial Chamber I na nagkukumpirma sa mga kaso laban sa kanya.

Si Duterte ay kasalukuyang nakakulong sa ICC Detention Facility sa The Hague matapos arestuhin noong Marso 11, 2025, kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa war on drugs noong siya ay alkalde ng Davao City at pangulo ng bansa.

Advertisement