Iginiit ng legal counsel ni Senador Ronald dela Rosa na bagama’t kinikilala nila ang pag-iral ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court, hindi umano ito maaaring ipatupad sa Pilipinas nang walang tamang legal na proseso.

Sa panayam sa Kapihan sa PDP ngayong Miyerkules, sinabi ni abogado Jimmy Bondoc na kinikilala nilang umiiral ang warrant sa pananaw ng ICC ngunit hindi nila ito itinuturing na enforceable sa bansa.

Ayon kay Bondoc, kinakailangan pa ring dumaan sa wastong proseso ang pagpapatupad ng naturang warrant laban kay dela Rosa.

Si dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police at dating Davao City police chief noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay kabilang umano sa mga tinukoy ng ICC prosecutors bilang mga kasabwat sa umano’y “common plan” kaugnay ng madugong kampanya kontra ilegal na droga.

Advertisement

Noong Mayo 11, muling nagpakita si dela Rosa sa Senado upang makibahagi sa botohan para sa bagong liderato ng Senado kung saan nahalal si Senate President Alan Peter Cayetano.

Muli namang nawala sa publiko si dela Rosa matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng Senado kung saan siya umano ay humingi ng protective custody.

Ipinaliwanag ni Bondoc na humingi ng protective custody ang senador dahil umano may pagtatangkang ipatupad ang ICC warrant laban dito.

Dagdag pa niya, nais nilang maiwasan na maulit umano ang nangyari kay Duterte, na kasalukuyang nahaharap din sa kaso kaugnay ng ICC.

Patuloy namang iginigiit ng kampo ni dela Rosa na kailangan munang magkaroon ng warrant mula sa lokal na hukuman bago siya maaaring arestuhin, bagama’t may ilang legal experts na nagsasabing hindi ito kinakailangan.

Samantala, hiniling na rin ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema na ibasura ang petisyon ni dela Rosa kaugnay ng ICC arrest warrant.

Advertisement