Nilinaw ng AFP nitong Huwebes na walang kinalaman ang mga sundalo, partikular ang mga Marines na naka-deploy sa Senado, sa insidente ng putukan na naganap noong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay AFP Chief Romeo Brawner Jr., ang mga Marines na nakita sa loob ng Senado bago ang insidente ay bahagi lamang ng regular security deployment ng Marine Security and Escort Group (MSEG).
“Nakausap namin yung commander. Hindi sila nagpaputok because they were there to support,” pahayag ni Brawner sa mga mamamahayag.
Ipinaliwanag niya na nakatalaga ang MSEG upang tiyakin ang seguridad ng mga pangunahing pasilidad ng gobyerno tulad ng Senado, Kamara, Department of Foreign Affairs, at iba pang mahahalagang tanggapan.
“Trabaho nila ‘yun to secure the facility. Hindi yung security ng isang individual senator,” dagdag pa niya.
Giit ng AFP chief, walang pinaputok na baril ang military personnel na naka-deploy sa Senado sa oras ng insidente.
Samantala, sinabi rin ni Brawner na papunta siya noon sa isang pulong kasama ang iba pang opisyal matapos ang insidente sa Senado.
Nauna nang kinumpirma ng pulisya na isang driver ng NBI ang inaresto matapos ang putukan sa loob ng Senate building sa Pasay City.
Ayon naman kay NBI Director Melvin Matibag, walang opisyal na NBI agents na ipinadala sa Senado noong gabi ng insidente.
Sinabi rin ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) na gumanti lamang ng putok ang kanilang personnel matapos ang pagpapaputok sa loob ng gusali.
Naganap ang insidente kasabay ng usapin sa posibleng pag-aresto kay Senador Bato Dela Rosa kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) may kaugnayan sa war on drugs ng administrasyong Duterte.














