Dadaan sa kaukulang proseso ng pagsusuri ng pamahalaan ang alok na $1.75 bilyong financing assistance mula sa Asian Development Bank (ADB) bago ito tuluyang aprubahan at tanggapin ng Pilipinas.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, pag-aaralan ng Department of Finance (DOF) ang mga tuntunin at kondisyon ng naturang financing offer upang matiyak na naaayon ito sa fiscal at debt management objectives ng pamahalaan.
Sinabi ni Castro na bagama’t kailangan pa ng pagsusuri at pag-apruba, malaking tulong umano ang alok ng ADB dahil makatutulong ito upang mabawasan ang posibleng epekto ng tensyon sa Middle East sa ekonomiya ng bansa.
Dagdag pa niya, ipinapakita rin ng naturang alok ang tiwala ng mga international development partners sa kakayahan ng pamahalaang Pilipino na tumugon sa mga pandaigdigang hamon.
“Malinaw na nagpapakita ito ng tiwala sa ating kakayahan na tumugon sa mga pandaigdigang hamon,” ayon kay Castro, sabay diin na mananatiling mahigpit ang pagsusuri ng DOF sa lahat ng aspeto ng financing proposal bago ito aprubahan.














