Photo © web

Maaaring magkaroon ng positibong epekto sa pamumuhunan, paglikha ng trabaho, at lokal na pag-unlad ang pagpapatupad ng mga reporma laban sa political dynasties, ayon kay Dr. Emmanuel A. Onsay, CPA, economist at assistant professor ng Partido State University.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Emmanuel A. Onsay, CPA, Economist and Assistant Professor, Partido State University na ang layunin ng anti-dynasty reforms ay palawakin ang political competition at bigyan ng mas maraming pagkakataon ang iba’t ibang lider na makilahok sa pamamahala. Aniya, ang mas bukas na kompetisyon sa pulitika ay maaaring magdulot ng mas mahusay na pamamahala at mas mataas na antas ng pananagutan sa mga opisyal ng gobyerno.

Ayon sa ekonomista, ang maayos na pamamahala ay mahalagang salik sa pag-akit ng mga mamumuhunan. Kapag nakikita ng mga negosyo na matatag, transparent, at predictable ang mga institusyon ng pamahalaan, mas nagiging kumpiyansa silang maglagak ng kapital sa isang lugar.

Dagdag niya, ang pagdami ng investments ay maaaring magbukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho at magpasigla sa lokal na ekonomiya. Kabilang dito ang pag-usbong ng maliliit at katamtamang laki ng mga negosyo, pagpapalawak ng imprastraktura, at pagtaas ng economic activity sa mga komunidad.

Advertisement

Gayunpaman, binigyang-diin ni Onsay na hindi awtomatikong masosolusyunan ng anti-dynasty reforms ang lahat ng suliranin sa ekonomiya at pamamahala. Aniya, kinakailangan pa rin ang matibay na mga institusyon, transparency measures, at aktibong partisipasyon ng mamamayan upang matiyak na ang mga reporma ay magbubunga ng pangmatagalang benepisyo.

Sa huli, sinabi ng ekonomista na ang tagumpay ng anumang reporma ay nakasalalay sa maayos na implementasyon nito at sa kakayahan ng mga institusyon na tiyaking ang kapangyarihang pampulitika ay ginagamit para sa kapakanan ng publiko at hindi ng iilang indibidwal o pamilya lamang.

Advertisement