Tututukan ng ika-48 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na gaganapin sa Cebu sa Mayo 8 ang mga isyung pang-enerhiya, seguridad sa pagkain, at proteksyon ng mga mamamayan ng ASEAN sa ibang bansa, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro, nakahanda na ang Pilipinas na mag-host ng high-level meeting kung saan dadalo ang mga lider at matataas na opisyal ng ASEAN member states. Idinagdag niya na mahalagang tugunan ng rehiyon ang mga kasalukuyang hamon gaya ng global supply chain disruptions at tumitinding tensyon sa Middle East.
Sa isang forum sa Indonesia, binigyang-diin ni Lazaro na ang pangunahing layunin ng summit ay palakasin ang seguridad sa enerhiya, patatagin ang suplay ng pagkain, at tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayang ASEAN saan mang panig ng mundo.
Dagdag pa ng DFA, ipinapakita ng pagpupulong ang mas pinagtibay na pagkakaisa ng ASEAN sa gitna ng pandaigdigang krisis, kabilang ang mga epekto ng kaguluhan sa Middle East at mga aberya sa suplay ng langis na may kaugnayan sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng kalakalan.
Tinalakay rin ang patuloy na papel ng Pilipinas sa isyu ng Myanmar sa ilalim ng ASEAN Five-Point Consensus, kung saan iginiit ng pamahalaan ang kahalagahan ng ganap na pagpapatupad ng kasunduan. Sa kabila ng ilang pagbabago sa sitwasyon sa Myanmar, nananatiling hindi ito lubos na naipatutupad mula pa noong 2021.
Samantala, sa usapin ng South China Sea, sinabi ng DFA na nagpapatuloy ang negosasyon ng ASEAN at China para sa isang code of conduct, at may mga pag-usad sa buwanang talakayan na maaaring humantong sa kasunduan sa 2026.
Ang ASEAN Summit sa Cebu ay unang bahagi ng dalawang summit na iho-host ng Pilipinas sa 2026, kasunod ng 49th ASEAN Summit at Related Meetings sa Pasay City sa Nobyembre.














