Nagsagawa ng walkout ang mga estudyante, faculty members, at graduating class ng 2026 ng Ateneo de Manila University nitong Biyernes, Hunyo 19, bilang panawagan para sa hustisya kasunod ng pagkamatay ng mga manlalaro ng Ateneo Blue Eagles na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Suot ang itim bilang simbolo ng pakikiisa at pagluluksa, nagmartsa ang mga miyembro ng komunidad ng Ateneo habang isinisigaw ang panawagang, “Atenista, walk out na!” upang ipahayag ang kanilang paghiling ng pananagutan at transparency mula sa pamunuan ng unibersidad.
Layunin ng pagkilos na manawagan para sa mas malinaw na mga kasagutan kaugnay ng insidente at matiyak na maayos na matutugunan ang mga katanungan hinggil sa kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante at atleta.
Iginiit ng mga kalahok na mahalaga ang pananagutan ng mga institusyon sa pagtiyak ng ligtas na kapaligiran para sa kanilang mga estudyante, lalo na sa mga aktibidad na may kaugnayan sa kinabibilangang mga organisasyon at koponan ng unibersidad.
Samantala, patuloy namang sinusuri ng mga kinauukulang awtoridad ang mga pangyayari na humantong sa pagkamatay ng dalawang miyembro ng Blue Eagles basketball team, kabilang ang posibleng pananagutan ng mga sangkot na indibidwal at institusyon.














