NAGA CITY – Patay ang isang babae matapos na mabangga ng sinasakyan nitong tricycle ang isang motorsiklo habang sugatan naman ang dalawa pa sa Barangay San Francisco, Ocampo, Camarines Sur.
Kinilala ang binawian ng buhay na si Margie Manaog, residente ng nasabing lugar, habang ang sugatan na driver ng tricycle na si Ralph Robert Manaog at driver ng motorsiklo na si Salvador Hugo, 39-anyos, residente ng Brgy. Aro-Aldao, Nabua, Camarines Sur.
Sa nakalap ng impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng tricycle na minamaneho ni Ralph sakay ang pasahero nito na si Margie ang kahabaan ng Gov. JT Fuentebella Highway ng mag-overtake ang motorsiklo na minamaneho naman ni Hugo.
Sa kasamaang palad, nasanggi ng tricycle ang motorsiklo na naging dahilan upang bumaliktad ito sa kalsada.
Dahil sa pangyayari nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad namang dinala sa pagamutan para sa asistensya medikal ngunit sa kasamaang palad ideklara ring dead-on-arrival si Margie ng mga doktor.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing pangyayari.