NAGA CITY – Patay ang isang babae matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang indibidwal sa
Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Eva Magtibay Quirante, 56-anyos, residente ng Brgy. San Isidro, Candelaria, sa nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakarainig na lamang ng ilang putok ng baril ang asawa ng biktima na si Jaime Deviles Quirante, 58-anyos.

Dahil dito, agad pinuntahan ni Jaime ang lugar kung saan nito narinig ang putok ng baril at dito na tumambad ang wala ng buhay na katawan ng kaniyang asawa.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagtamo ng tama ng bala ng baril ang biktima sa kaniyang ulo na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na ang pagtunton sa posibleng pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek na agad tumakas matapos ang naturang krimen.