Nadismaya ang isang empleyado ng isang construction company matapos umano siyang hindi maayos na harapin ng opisyal ng Bids and Awards Committee (BAC) ng Bayan ng Pamplona, Camarines Sur.
Ayon kay Marianne Isabelita Dienzo, awtorisadong kinatawan ng A.V. Laynes Trading and Construction na nakabase sa Virac, Catanduanes, nagtungo siya sa tanggapan ng BAC sa Pamplona noong Nobyembre 5, 2026 upang dumalo sa bidding para sa One-Storey Solid Waste Management Material Recovery Facility Building na nagkakahalaga ng P35 milyon at inilathala sa PhilGEPS noong Oktubre 29, 2026.
Bumalik siya noong Nobyembre 11 upang bumili ng bidding documents, ngunit ilang oras siyang naghintay at hindi nakausap ang BAC Chairman na si Caloy Raymundo dahil umano sa mayroon itong bisita.
Nagpaalam siya sa mga staff na babalik kinabukasan, ngunit muli siyang pinag-antay at pinagpapasahan ng mga empleyado. Itinuro pa siya sa Engineering Department at kalaunan ay sa DILG, ngunit wala pa rin siyang nakuhang malinaw na sagot.
Nang muli siyang bumalik sa opisina, nakausap naman niya si Raymundo na nagbigay pa ng contact number. Gayunman, kulang umano ng isang numero ang ibinigay na contact number kaya hindi rin niya ito matawagan.
Panawagan ni Dienzo na tiyaking nasusunod ang tamang proseso sa lahat ng proyektong inilalabas ng mga lokal na pamahalaan, lalo na ang malalaking proyektong inilalathala sa PhilGEPS.
Binigyang-diin din niya na dapat maayos na asikasuhin ng mga empleyado ng Pamplona ang mga bumibisita sa kanilang tanggapan dahil gumugugol ang mga ito ng oras at pera upang makipag-ugnayan sa mga kinauukulang departamento. Hindi umano dapat pinagpapasahan lamang ang mga bisita at sa halip ay bigyan sila ng maayos na serbisyo.













