Lumabas na ang resulta ng ballistic at autopsy examination sa tatlong estudyanteng nasawi sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Ayon sa Philippine National Police (PNP) Regional Forensic Unit 8, lumabas sa imbestigasyon na ang tatlong biktima ay tinamaan ng mga bala mula sa malayong distansya at iba’t ibang anggulo. Ipinapakita ng pagsusuri na walang partikular na indibidwal na pinuntirya sa insidente.

Batay sa autopsy, tumama ang mga bala sa mahahalagang bahagi ng katawan ng mga biktima, na naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay. Kasalukuyan nang inihahanda ng mga awtoridad ang pinal na forensic report na isusumite sa mga imbestigador bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon.

Samantala, inanunsyo ng PNP na magsasampa ito ng kaso laban sa tiyahin ng 15-anyos na suspek, na isa ring pulis, dahil sa umano’y kapabayaan na humantong sa pagkakuha ng kanyang service firearm. Posible ring maharap sa kaparehong kaso ang lolo ng suspek, na sinasabing may-ari ng kalibre .38 na revolver na ginamit sa pamamaril.

Advertisement

Sa kabilang banda, sumailalim na sa psychological first aid ang ilang guro at kawani ng paaralan upang matulungan silang makabangon mula sa trauma dulot ng trahedya.

Ayon sa punong-guro ng San Jose National High School, nakapaglatag na ang paaralan ng mas mahigpit na safety protocols upang maging handa sa mga kahalintulad na insidente. Kabilang dito ang agarang pagsasara at pagkandado ng mga pintuan ng bawat silid-aralan upang maprotektahan ang mga estudyante at guro sakaling magkaroon ng emergency.

Advertisement