Inanunsyo ng Bangsamoro Darul-Ifta’ na nagsimula na ang banal na buwan ng Dhul-Hijjah 1447 AH noong Mayo 18, 2026, at itinakda ang pagdiriwang ng Eid al-Adha sa Mayo 27 sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Ayon sa advisory ng Islamic authority, ang Day of Arafah ay gugunitain sa Mayo 26, habang ang Eid al-Adha ay isasagawa kinabukasan, Mayo 27.

Binigyang-diin ng Darul-Ifta’ na ang Eid al-Adha ay isa sa pinakamahalagang pagdiriwang sa kalendaryong Islamiko, na ginugunita ang pananampalataya at pagsunod ni Propeta Ibrahim (Alayhis Salam) sa Allah.

Hinimok din nito ang Muslim community na samantalahin ang banal na panahon sa pamamagitan ng taimtim na pagsamba, pagdarasal, pag-aayuno, kawanggawa, at pagpapakita ng pagkakaisa at malasakit sa kapwa.

Advertisement

Sa ilalim ng selebrasyon, nagtitipon ang mga pamilya upang gunitain ang “Festival of Sacrifice” sa ikasampung araw ng Dhul Hijjah, ang ika-12 at huling buwan ng kalendaryong Islamiko, ayon sa Bangsamoro government.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na maglalabas ito ng proklamasyon para sa national holiday sa Eid al-Adha matapos makumpirma ang eksaktong petsa batay sa Islamic calendar o astronomical calculations.

Advertisement