Maaaring maramdaman ng mga sambahayan ang pagbaba ng gastusin sa gatong sa loob ng isa hanggang dalawang araw matapos ipatupad ng pamahalaan ang suspensiyon ng excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene, ayon sa Department of Finance (DOF).

Ayon sa DOF, inaasahang agad na makakaramdam ng ginhawa ang mga consumer kasunod ng implementasyon ng tax break na inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Abril 13.

Nakasaad sa Republic Act No. 12316 na maaaring suspendihin ng Pangulo ang excise tax sa produktong petrolyo batay sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee sa pakikipag-ugnayan sa Department of Energy. Maaari itong ipatupad kapag ang average Dubai crude oil price ay umabot o lumampas sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan.

Bago ang suspensiyon, ang excise tax sa ilalim ng TRAIN Law ay nasa P3.00 kada kilo para sa LPG at P5.00 kada litro para sa kerosene. Sa bagong hakbang, tinatayang makakatipid ang mga konsumer ng humigit-kumulang P36.96 kada 11-kilogram LPG cylinder at P5.56 kada litro ng kerosene.

Advertisement

Ayon kay DOF Undersecretary Rolando Ligon Jr., posibleng maramdaman ang epekto sa loob ng isa hanggang dalawang araw matapos ang pagpapatupad.

Sinabi naman ni Finance Secretary Frederick Go na layunin ng hakbang na magbigay ng target na ayuda sa mga pamilyang lubos na apektado ng mataas na presyo ng langis habang pinananatili ang fiscal sustainability ng pamahalaan.

Ipinakita rin ng datos na malaking bahagi ng benepisyo ang mapupunta sa low-income households, kung saan 48% ng konsumo ng kerosene ay mula sa bottom 30%, habang 55.7% ng LPG users ay kabilang sa bottom 70%.

Hindi isinama sa suspensiyon ang gasolina at diesel dahil sa mas malaking epekto nito sa kita ng gobyerno at limitadong epekto nito sa retail prices. Tinatayang aabot sa P4.1 bilyon ang mawawalang kita sa loob ng tatlong buwan para sa LPG at kerosene, ngunit maaaring umabot sa P43.6 bilyon kung isasama ang diesel at gasolina.

Samantala, nauna nang nagpalabas ang administrasyon ng P21.47 bilyong fuel subsidies at infrastructure support para sa transport sector, mga magsasaka, at mangingisda.

Advertisement